Duterte pinagbawalang dumalo ang mga cabinet members sa Senate hearing
MANILA, Philippines — Pinagbawalan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang mga cabinet member na dumalo sa Senate hearing at kailangang dumaan muna sa clearance niya ang pagdalo ng mga ito.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi nito na kung sa tingin niya’y mapapahiya lang at hindi naman pakikinggan ang isang cabinet member sa hearing ay pagbabawalan niya itong dumalo pa sa pagdinig.
Aniya, sa tingin niya’y magagawa niya ito bilang Presidente kaya’t siya na ang magpapasiya kung dadalo o hindi ang isang cabinet member.
Subalit kung reasonable naman umano ang gagawing pagdalo ay papahintulutan niya ito.
“Itong Senate hearing, we do not question the authority and the power of the Senate to investigate in aid of legislation. Iyan ang sinasabi nila,” ani Duterte.
Pero nakita niya aniya na maraming ipinapatawag na resource persons na naaaksaya lang ang oras dahil hindi naiisalang sa pagdinig.
Partikular na tinukoy ni Duterte ang mga opisyal ng Department of Health na ipinatawag sa pagdinig pero wala naman ginagawa.
Sinabi ni Duterte na pinababalik-balik lang ang mga opisyal at pinapahaba ang pagdinig para sa eleksiyon kaya ire-require niya na kumuha muna sa kanya ng clearance ang mga iniimbitahan sa Senado.
Inihalimbawa pa ni Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na hindi na aniya magawa ang trabaho at mas maraming oras ang ginugugol sa Senado.
Naniniwala si Duterte na magagawa niya ito kahit pa i-contempt ng Senado ang mga hindi sisipot na opisyal dahil nagkakaroon na ng “abuse of authority” sa mga isinasagawang pagdinig.
- Latest