Sa MGCQ at GCQ areas 5-anyos pataas pwede nang lumabas
MANILA, Philippines — Maaari nang lumabas sa piling lugar ang mga batang 5-anyos pataas sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) at General Community Quarantine (GCQ), maliban na lamang sa may mga “heightened restrictions”.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos aprubahan ng Inter-Agency Task (IATF) on Emerging Infectious Diseases na pwede nang magpunta sa mga parke, playgrounds, beaches, biking at hiking trails, outdoor tourist sites at attractions na tutukuyin ng Department of Tourism, outdoor non-contact sports courts at venues, at mga al-fresco dining establishments.
Hindi kasama sa mga maaaring puntahan ng mga bata ang mga mixed-use indoor/outdoor buildings at facilities katulad ng malls at mga kahalintulad na lugar.
Kailangan ding may kasamang matanda ang mga bata at panatilihin ang minimum public health standards katulad nang pagsusuot ng face mask at social distancing.
Maaaring itaas ng mga local government units (LGUs) ang age restriction ng mga bata na puwedeng lumabas depende sa sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang nasasakupang lugar.
- Latest