MMDA sa NCR mayors renta ng meat vendors ‘wag munang singilin
MANILA, Philippines — “Huwag munang maningil ng arawang renta ng mga vendor ng baboy at manok na tumigil sa pagbebenta dahil sa kinakaharap na kakulangan ng suplay nito.”
Ito ang plano ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development (MMDA) na kumbinsihin ang 17 alkalde sa National Capital Region (NCR).
Ang naturang pahayag ni MMDA Chairman Benhur Abalos ay mula sa panukala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte makaraang magsagawa sila ng inspeksyon sa Mega Q Mart at Commonwealth Market sa Quezon City gayundin sa SM Hypermarket sa Mandaluyong City kasama sina Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar at Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez upang imonitor ang ipinapatupad na “price cap” sa mga nagtitinda sa gitna ng kakulangan sa baboy.
Tiniyak naman ni Abalos na ipatutupad ang mga naturang hakbang sa lahat ng lokal na pamahalaan na sinasakop ng MMDA upang masiguro na maipatupad ng maayos ang “price ceiling” sa lahat ng pamilihan sa Metro Manila.
Pinuri rin ni Abalos ang pagsisikap ng Agriculture at Trade department na magbigay ng tulong sa pautang sa mga nagtitinda sa merkado.
Samantala sa Maynila, iniulat ng Manila Market Administration Office na unti-unti nang nagsisibalik sa pagtitinda ang mga meat vendors.
- Latest