Clergy for Good Governance inilunsad sa Quezon City
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng mga pari, layco, madre at ibang personalidad ang pagpapakilala sa Clergy for Good Governance na binubuo ng 211 pari para matugunan ang iba’t ibang isyu na kinakaharap ng bansa na may kinalaman sa moralidad, espiritwal at maging pulitikal.
Bago ang launching, isang misa ang ginawa sa Immaculate Concepcion Cathedral sa QC na dinaluhan ng iba’t-ibang personalidad tulad nina dating DICT Sec. Eliseo Rio at dating Agriculture Asec. Kristine Evangelista.
Ayon kay Fr. Joel Saballa, isa sa mga bumubuo ng Clergy for Good Governance, nagsimulang mabuo noong nakalipas na Oktubre para buhayin ang dati nilang samahan na Clergy for Moral Choice for Good Governance.
Layunin ng Clergy for Good Governance na tugunan ang pangangailangan ng taumbayan, isulong ang kapakanan ng nakararami at itaguyod ang aral ng simbahan.
Kasama rin sa pagtutuunan nila ng pansin ang makatarungan at maayos na pamamahala kaugnay ng nalalapit na 2025 midterm election.
Inilahad din ng kaparian ang pitong panawagan sa pamahalaan at taumbayan kung saan kabilang dito ang pagsusulong ng mabuting pamamahala, komprehensibong electoral reforms, paglaban sa political dynasty, laban sa kurapsyon, respeto sa karapatang pantao, respeto sa human rights, proteksyon sa kapaligiran at soberanya sa West Philippine Sea.
- Latest