Internet service dapat higit na mahusay, maaasahan
MANILA, Philippines — “Higit na mabilis, mura at maaasahan na internet service na itinuturing na ngayon bilang daluyan ng dugo ng bagong ekonomiya at national emergency.”
Ito ang panawagan ni House Ways and Means Committee chairman Albay Rep. Joey Sarte Salceda, matapos maging pang-64 lamang ang Pilipinas sa “digital evolution ranking” at pang-52 naman sa “digital momentum” ng mga bansa sa mundo, batay sa ulat ng Tufts University sa Massachusetts, USA and Mastercard Inc., at sa ASEAN, kulelat pa diumano ang Pilipinas sa Indonesia at Vietnam.
Si Salceda ay siyang pangunahing may-akda ng dalawang mahahalagang panukalang batas na naglalayong isulong at gawing makabago ang ‘digital global status’ ng bansa -- ang ‘Faster Internet Services Act’ na nakahain na ngayon ay nasa House Committee on Information, Communications and Technology’ na; at ang ‘Satellite Liberalization Act’ na inendorso ng Pangulong Duterte sa ‘Economic Cluster panel.’
Ayon sa mambabatas, kailangan ang mga bagong ‘telco players’ upang magkaroon ng tamang kumpetisyon sa ‘telecommunications sector’ ng bansa dahil “ang ‘internet connection’ ay pangunahing pangangailangan na ngayon.”
Dahil sa maraming buwang ‘pandemic lockdowns,’ ay bumaling ang mga tao sa internet at naging ‘digital economy’ na rin ang bansa, kung kaya’t kailangan ayusin at pabilisin din ng mga telco; ang ‘internet services’ nila.
“Pati mga bagong trabaho, ‘digital’ na. Kailangan natin ang mga naturang bagong trabaho upang makabawi tayo sa pagkakalugmok ng pandemya. Hindi magaganap ito kung mananatiling kilos pagong ang ‘internet’ natin, ‘national emergency’ na ito,” paliwanag niya.
- Latest