Eddie Garcia Bill hiniling na ipasa sa Senado
MANILA, Philippines — “Ipasa ang Eddie Garcia Bill na naglalayong mabigyang proteksyon at tiyakin ang ‘safe work environment’ ang mga manggagawa sa telebisyon, pelikula, radyo at teatro sa bansa.”
Ito ang panawagan kahapon sa Senado ni Deputy Speaker at 1 PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero na may-akda ng House Bill (HB) 7762 o ang Eddie Garcia Bill na stepson ng yumaong veteran actor na si Eddie Garcia na isinulong ang nasabing panukalang batas matapos na masawi sa aksidente sa teleserye shooting ng GMA 7 noong nakalipas na taon.
Ang nasabing panukalang batas ay nakapasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan nasa Senado na ang bola para sa nasabing panukalang batas.
Nakasaad sa nasabing panukala ang mahigpit na pagtatakda ng limitadong oras ng pagtratrabaho gayundin ang maayos na kondisyon ng mga artista o manggagawang menor de edad pa lamang at maging ng mga senior citizens.
Mandato rin na ang pagkakaroon ng employment contract at extendible na working period mula 8-12 oras kada araw kasama na ang pagkain at paghihintay sa bawat anggulong kinukunan tulad sa mga teleserye at ang pagbibigay ng mandatory insurance tulad ng Social Security System (SSS), Pagibig Fund at Philippine Health Insurance Corporation para sa mga artista at iba pang empleyado sa entertainment sakaling maaksidente ang mga ito habang nagtratrabaho.
- Latest