24 milyong estudyante larga na bukas sa balik eskwela
Late enrollees puwede pa - DepEd
MANILA, Philippines — Handa nang sumabak ang mahigit 24 milyong estudyante sa buong bansa sa pagbubukas ng klase bukas, Oktubre 5, para sa School Year 2020-2021.
Kasunod ito sa pagtiyak kahapon ng Department of Education (DepEd) na tuluy na tuloy ngayong darating na Lunes ang pagbubukas ng klase sa lahat ng antas bagama’t nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mamamayan lalo na sa mga tinatawag na “vulnerable” gaya ng mga bata at senior citizens.
Ayon sa DepEd, handang-handa na sila para sa pagbibigay ng blended distance learning sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Sisimulan ng DepEd ang National School Opening Day Program, sa pamamagitan ng isang nationwide simultaneous flag-raising ceremony ganap na alas-7:30 ng umaga sa Oktubre 5 at mismong si DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones ang mangunguna rito na inaasahang magbibigay ng inspirational message sa mga guro at mga mag-aaral at saka pormal na idedeklara ang pagbubukas ng bagong school year sa bansa.
Kasabay ng pagbubukas ng klase, mag-iikot ang executive committee members at service at bureau directors ng DepEd at magbibigay sila ng live updates sa distance learning sa iba’t ibang field offices at paaralan na kanilang bibisitahin.
Sinabi ng DepEd na patuloy pa rin silang tatanggap ng late enrollees hanggang Nobyembre.
- Latest