Lady trader inaresto sa ipinagbabawal na luncheon meat
MANILA, Philippines — Isang 43-anyos na babaeng Chinese ang inaresto kamakalawa sa Binondo, Maynila ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction
Team (SMART) nang masabat sa kaniya ang nasa 30 kahon ng dalawang brand ng luncheon meat na ipinagbabawal ipasok sa bansa dahil sa ‘swine flu’.
Ang suspek ay kinilalang si Shuangtin Lin, 43, negosyante, may-asawa at nakatira sa 11th Floor, 194 One Wilson Place, Wilson Street, San Juan City.
Sa ulat,alas-3:30 ng hapon nang magkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng MPD-Smart at District Intelligence Division sa kanto ng Reina Regente at Alvarado Streets sa Binondo makaraang makatanggap ng impormasyon sa pagbebenta ng mga Chinese national ng mga de-latang karne na pansamantalang ipinagbabawal dahil sa African Swine Fever (ASF).
Nang magpositibo sa test buy, ipinatupad na ng mga pulis ang pagdakip kay Shuangtin at nakumpiska sa kaniya ang 20 kahon na may 48 piraso ng Ma Ling brand at 10 kahon na may 48 piraso ng Ma Leing brand na pork luncheon meat, isang puting Honda CRV, isang iPhone at dalawang P1,000 marked money.
Nabatid na may umiiral na pansamantalang ban sa importasyon, distribusyon at pagbebenta ng mga prinosesong produktong karne buhat sa mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF) mula noong Agosto 2018. Kabilang sa mga brand na ipinagbabawal ang Ma Ling.
Ang suspek ay nakakulong na at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10536 (Meat Inspection Code of the Philippines), RA 10611 (Food Safety Regulatory System Act), Administrative Order 26 (Rules on the Importation of meat Products), RA 11332 (Law on Reporting Communicable Dieases).
- Latest