Paninda sa mga palengke ng Quezon City puwede nang bilhin online
MANILA, Philippines — Gagawin nang online ng Quezon City government ang pagbili ng mga residente ng mga kailangang produkto sa mga palengke sa lungsod na malapit sa kanilang lugar bilang paghahanda sa “new normal” na kondisyon ng buhay sa panahon na may COVID-19 pandemic.
Bunsod nito, ilunsad kahapon ng QC government ang Community Mart, isang e-market project na inisyatiba ni Vice President Leni Robredo, na ang mga taga QC ay maaaring makabili ng farm products at iba pang produkto sa pamamagitan ng mobile application.
Ayon kay Mona Celine Yap, head ng City’s Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (SBCDPO), dapat maging handa ang mga palengke kung paano buhayin sa ilalim ng “new normal” sakaling tanggalin na ang enhanced community quarantine (ECQ) matapos ang May 15.
Ikinatuwa naman ni QC Mayor Joy Belmonte ang programang ito na may malaking tulong para mabilis at ligtas na makakabili ang mga residente ng mga paninda na nasa Kamuning Market na tatanggap ng orders mula sa kalapit lugar sa Brgys. Obrero, South Triangle, Kamuning, Mariana, Sacred Heart at Laging Handa.
Sa ilalim ng proyekto, kinuha ng local government ang tricycle operators and drivers associations (TODAs) para mag-deliver ng order mula sa palengke ng mga taga QC.
- Latest