4 patay, 4 kritikal sa ininom na tuba
MANILA, Philippines — Nasawi ang apat katao habang apat pa ang nilalapatan ng lunas sa ospital matapos na sila umano ay malason sa ininom nilang tuba sa Brgy. Upper Omon, Ragay, Camarines Sur, iniulat kahapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Armando Diaz Ollano, 56, ng Brgy. Omon at kapatid na si Reynaldo Diaz Ollano, 63, ng Sitio Basyawan, Brgy. Lohong; Bertito Recomanta Casitas, ng Zone-6, Lower Omon at isang nagngangalang Belen, ng Brgy. Del Carmen, Lupi.
Inoobserbahan naman sa ospital ang lagay ng apat pang kainuman ng mga nasawi na kinilalang sina Maribel Delos Santos, 50; Adriano Balmes, 44; Doroy De Torres; at Rodolfo Abellada, 53.
Sa naantalang ulat ng pulisya, alas-2 ng hapon noong Huwebes ay nagkasayahan ang mga biktima na uminom ng tuba na gawa mula sa Buli Palm.
Gayunman, kinabukasan ng Biyernes ng hapon, lahat ng mga biktima ay nakaramdam ng sobrang pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka kaya mabilis silang isinugod ng mga kaanak sa iba’t ibang ospital sa Naga City pero namatay ang magkapatid na Ollano, Casitas at Belen.
Sa imbestigasyon, napag-alamang ang tuba na inimom ng mga biktima na mula sa Buli Palm ay posibleng nakontamina mula sa baging ng “bayate” na nakapulupot sa katawan ng palm. Pinaniniwalaang ang lason ng bayate ay napunta sa kinuhang dagta ng palm na ginawang tuba.
- Latest