Abandonadong shipments ng medical equipment idinonate sa Southern Philippines Medical Center
MANILA, Philippines — Ipina-donate ni House Deputy Speaker Paolo “Pulong “ Duterte sa Bureau of Customs (BOC) ang mga abandonadong shipments na naglalaman ng sari-saring medical equipment sa Southern Philippines Medical Center sa lungsod ng Davao.
Ang SPMC ay siyang pinakamalaking ospital sa Mindanao at ang nasabing donasyon ay siyang magpapalakas sa pangangalaga sa mga pasyente partikular na sa mga tinamaan ng COVID 19.
Ayon kay BOC Davao District Collector, Atty. Erastus Sandino B. Austria ng Port of Davao Collection District XII, walong 40-foot container vans ng medical equipment ang ipinadala sa SPMC noong March 28, March 29 at March 30.
Naglalaman ito ng gurneys, wheelchairs, bed-side at operating tables, dialysis chairs, medical trolleys and crutches, pharmaceutical refrigerators at sterilizers.
Tiniyak ni Austria na patuloy ang suporta ng ahensya sa programa ng pamahalaan upang masugpo ang pagkalat ng coronavirus at ayuda sa frontliners, health workers, volunteers at local government leaders.
Tuloy rin aniya ang operasyon ng Customs Davao kahit na skeletal forces lamang ang naka-duty, at makatitiyak ang publiko na mabilis na maipalalabas ang mga kinakailangang gamit lalo na ang Personal Protective Equipment (PPE), medical equipment at mga donasyon na darating sa Port of Davao.
- Latest