Ama kulong sa panggagahasa sa anak
NORTH COTABATO, Philippines — Arestado at nakulong ang isang ama matapos umanong paulit-ulit nitong gahasain ang katorse anyos niyang anak sa loob ng tatlong buwan sa Pigcawayan, North Cotabato, iniulat kahapon.
Sadyang hindi pinangalanan ang suspek para sa kapakanan ng katorse anyos nitong anak na taga-Barangay Balogo, Pigcawayan, North Cotabato.
Sa report ng Pigcawayan PNP, nadakip ang suspek matapos umanong magsumbong sa kanyang kaibigan ang biktima at saka ipinagbigay-alam ng mga ito sa Municipal Social Welfare and Development o MSWD.
Sa resulta ng mediko ligal, nakumpirmang ginahasa ang biktima kaya agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya para madakip ang suspek.
Sa imbestigasyon ng Pigcawayan PNP, lumalabas na walong beses umanong ginahasa ng suspek ang biktima simula pa noong Enero.
Nasa Maynila umano ang ina ng biktima na isang overseas Filipino worker kaya tanging ang ama lamang nito ang nakakasama sa bahay. Nakakulong na ngayon ang suspek na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
- Latest