‘Profiling’ sa Muslim studes, kinansela
MANILA, Philippines — Dahil sa mga inabot na batikos, kinansela ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagkalap ng datos sa mga estudyanteng Muslim na nag-aaral sa Metro Manila na tinawag na “profiling” ng isang grupo ng mga guro.
“I have directed the District Director of Manila Police District P/BGen Bernabe Mendoza Balba to recall the memorandum regarding the updated list of Muslim Students in High School, Colleges and Universities in Manila City,” ayon kay NCRPO Director P/MGen Debold Sinas.
Magsasagawa rin umano sila ng representasyon sa Directorate for Police Community Relations (DPCR) para bawiin ang inilabas na direktiba.
Sa kabila ito ng paninindigan ng pulisya na hindi “profiling” ang direktiba ngunit layon lamang na makakuha ng datos na gagamitin ng Salaam Police Center na para naman sa mga kapatid na Muslim.
“The NCRPO does not intend to cause harm and anxiety to our Muslim brothers and sisters,” giit pa ni Sinas.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin umano ng Salaam Police ng Manila Police District ang pakikipag-ugnayan sa mga estudyanteng Muslim para maituloy ang kanilang mga proyekto at iba pang aktibidad para sa Muslim community.
Nilinaw naman ni NCRPO spokesperson P/Maj. Britz Estadilla na hindi lamang sa Maynila ang “recall order” sa direktiba ngunit sa buong NCR.
- Latest