24 sugatan sa bumaligtad na bus
MANILA, Philippines — Sugatan ang 24 pasahero kabilang ang driver ng bus matapos itong bumaligtad habang bumibiyahe sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng bagyong Ursula sa Brgy. Balingasag, Bago City, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.
Sa ulat, habang bumabagtas sa lugar ang isang Ceres bus sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan nang maaksidente ito bunga ng madulas na daan.
Nawalan umano sa kontrol sa manibela ang driver hanggang sa magpagiwang-giwang ito at tuluyang bumaligtad sa tabi ng highway.
Kinilala ang ilan sa mga pasaherong nasugatan na sina Gena dela Luna, 38; Lovelyn Castillo, 32; Helen Roldan, 31; Janet Noble, 36; Quennie Abjolina, 23; Gina Castro, 33; Paul Vanderhoop, 64; Edwin Legaspi, 52; Vina Alliba, 19; Rene Bon Moreno, 52; Jimmy Torabio, Charice delas Marias, 25; Gerald Toribio, at Juanita Decatoria.
Mabilis namang sumaklolo ang rescue team ng lokal na pamahalaan katuwang ang kapulisan at isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.
- Latest