Mga kuta ng KFR, sinalakay: 1 patay, 4 timbog
MANILA, Philippines — Isang miyembro ng kidnap for ransom (KFR) group ang napatay habang 4 pa ang nadakip nang salakayin ng mga otoridad ang mga kuta sa Caloocan City, Marilao at San Jose del Monte, Bulacan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napaslang na suspect na si Leo Dela Fuente, 41, na nakipagpalitan ng putok matapos salakayin ng pulisya ang bahay ng isang Joever Garcia sa Aster Street, Residencia Regina, Barangay Loma de Gato, Marilao, Bulacan.
Naaresto naman ang apat na suspect na sina Rosalinda Garcia; Christine Joyce Garcia; Joseph Nicholas Garcia Jr at Julieto Tering, 75-anyos.
Sa bisa ng limang search warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa mga miyembro ng KFR groups ay nilusob ng otoridad ang nasabing mga kuta.
Nakuha sa raid sa nabanggit na bahay ang walong iba’t-ibang uri ng mga baril, mga granada, tatlong sasakyan at mga uniporme ng pulis.
Inihayag ni NCRPO Chief Police General Guillermo Eleazar na sinimulan nilang trabahuhin ang grupo ng KFRG matapos na makatanggap ng ulat hinggil sa pagkidnap ng ng mga ito sa mayayamang BIR officials sa Metro Manila at karatig lalawigan at pinatutubos ang mga ito ng milyon-milyong piso kapalit ng kalayaan ng mga biktima.
Hindi naman nire-report ng mga biktima ang pag-kidnap sa kanila dahilan upang mahirapan ang mga otoridad na makakuha ng impormasyon kung saan kadalasan ang transaksyon ng mga suspect sa pamilya ay umaabot lamang ng isang araw.
Inihayag pa ng opisyal na may mga kasama rin ang mga suspect na ilang dating pulis at mga sundalo at posibleng meron pang aktibo sa serbisyo at patunay dito ang mga PNP uniform na kanilang nakuha sa ilang mga sinalakay na mga bahay.
- Latest