10 katao nasagip sa bangkang lumubog
MANILA, Philippines — Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang 10 katao matapos na sila ay masagip nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa karagatan ng Mactan Island, Cebu, kahapon ng madaling araw.
Sa report ni Nagiel Banacia, Chief ng Cebu Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga nasagip na katao ay mga pasahero na nag-hire ng bangkang de motor na naglayag mula Brgy. San Vicente sa Olango Island patungo sa Lapu-Lapu City dakong alas-4:00 ng madaling araw.
Gayunman, 30 minuto pa lamang ang nakalilipas habang nasa kalagitnaan na ng karagatan ng Mactan Island ay binalya ng malalakas na alon ang bangka bunsod upang tuluyan itong lumubog.
Bago lumubog ang bangka ay nagawang makatawag sa telepono ng ilan sa mga pasahero sa kanilang mga kamag-anak sa Brgy. San Vicente na siya namang humingi ng tulong sa mga otoridad para sa search and rescue operations at nasagip ang mga ito ng mga elemento ng Philippine Coast Guard (PCG).
- Latest