Brodkaster itinumba ng tandem
MANILA, Philippines — Isang radio announcer na sakay ng kanyang kotse ang pinagbabaril ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa naganap na ambush kamakalawa ng gabi sa national highway, Brgy.Poblacion, Kidapawan City, North Cotabato.
Ang nasawi ay kinilalang si Eduardo ‘Ed’ Dizon, anchor ng Brigada News FM Kidapawan, 58, at residente ng 1288 Tejada Subdivision, Makilala, ng nasabing lalawigan.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:25 ng gabi ay pauwi na ang biktima mula sa kanyang trabaho nang sundan ng motorsiklo lulan ang dalawang suspek.
Pagdating sa kanto ng Quezon Boulevard at Diversion Road Sinsuat ay dumikit ang mga suspek sa puting kotse ng biktima na Mitsubishi Mirage G4 at paulanan ng bala.
Naikabig pa ng biktima sa gilid ng highway ang kanyang sasakyan bago ito bawian ng buhay dahil sa limang tama ng bala sa katawan.
Isang task force ang binuo ng pulisya na tututok sa kaso ni Dizon na kasalukuyang anchor ng “Tira Brigada Program” ng Brigada News FM Kidapawan na kung saan ang huling naging mainit na ginawa nitong talakayan sa kanyang programa ay tungkol sa isyu ng KAPA.
Si Dizon ay nanilbihan din sa Notre Dame Broadcasting Corporation (NDBC) bilang anchor ng Public affairs program ng DXND Radyo Bida at naging DJ ng DXDM FM o mas kilala bilang happy FM ngayon.
- Latest