Anti-fake news, 14th month pay bills inihain sa Senado
MANILA, Philippines — Naghain kahapon ng 10 panukalang batas si Senate President Vicente “Tito” Sotto III para sa darating na 18th Congress kabilang ang laban sa fake news, pagkakaroon ng 14th month pay at ang pagpababa ng edad na maaring sampahan ng kasong kriminal.
Sa sampung panukalang batas na inihain ni Sotto o Senate Bill No. 1, ay ang panukalang naglalayong magbigay ng scholarship sa mga estudyanteng nagnanais mag-aral ng medisina na tatawaging Medical Scholarship Act, dahil kulang na kulang na ang mga doktor sa mga probinsiya dahil mas gusto ng mga ito na magserbisyo sa mga siyudad.
Layunin naman ng kanyang Anti-false Content Act na masawata ang mga nagpapakalat ng fake news na kalimitan ay sa social media.
Muli ring inihain ang panukalang minimum age of criminal liability (MACL) bill kung saan gagawing 12 taong gulang ang maaring sampahan ng kaso.
Ang unang round nang paghahain ay mula Hulyo 1 hanggang 4 kung saan ang bawat senador ay maaring maghain ng hanggang 10 panukala at resolusyon.
Maari nila itong sundan sa second round o mula Hulyo 8 hanggang 11.
- Latest