Parusa sa may-ari ng lugar na ginagawang shabu lab, isinusulong
MANILA, Philippines — Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong patawan ng parusa ang mga may-ari ng lugar katulad ng warehouse, bahay, gusali, at iba pa, na nagagamit bilang laboratoryo o pagawaan ng droga at napapag-imbakan ng mga ito.
Sa panukala na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian, nais nitong amyendahan ang Section 8 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isinulong ni Gatchalian ang panukala matapos makumpiska ang nasa P1-bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Malabon City.
Sa ilalim ng panukala, ang may ari o ang umuupa sa isang bahay, building, warehouses at iba pang uri ng istruktura na nagagamit bilang laboratory sa paggawa ng mga ipinagbabawal na gamot o mga essential chemicals ay mahaharap sa pagkakulong ng mula 12 taon hanggang 20 taon at multang mula P100,000 hanggang P500,000.
Naniniwala si Gatchalian na mas magiging maingat ang mga may-ari ng isang bahay o warehouse sa pagpapaupa o pagpapagamit ng kanilang property kung alam nila na sila rin ay mapaparusahan.
Idinagdag din ni Gatchalian na ipapataw ang maximum penalty sa mga may-ari at lessor kung alam nila na ang property ay ginagamit sa paggawa o store ng dangerous drugs.
- Latest