Ex-Laguna Gov. ER Ejercito kulong ng 8 taon
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Sandiganbayan Fourth Division ng anim hanggang walong taon na pagkakulong si dating Laguna governor at aktor na si Emilio Ramon “ER” Ejercito matapos na hatulang guilty sa kasong graft.
Sa desisyong inilabas ng anti-graft court, nag-ugat ang kaso ni Ejercito sa umano’y maanomalyang insurance deal para sa mga turista at boatmen na pinasok nito noong kasalukuyan pa itong alkalde sa bayan ng Pagsanjan, Laguna.
Si Ejercito ay nagsilbing Mayor sa Pagsanjan mula 2001 hanggang 2010 bago ito naluklok sa puwesto bilang Gobernador sa Laguna.
Inakusahan si Ejercito at co-respondents nito ng pamemeke ng Memorandum of Agreement kasabwat ang First Rapids Care Ventures (FRCV) para sa proteksyon sa aksidente at pinansyal na tulong para sa mga turista at boatmen sa Pagsanjan na kilala sa pamosong ‘waterfalls’ nito.
Ipinag-utos din ng Sandiganbayan ang pagpapataw ng perpetual disqualification o ang hindi na pagpapahintulot kay Ejercito na humawak pa ng anumang posisyon sa gobyerno.
Gayundin ay kanselado na rin ang civil service eligibi-lity ni Ejercito maging ang kaniyang retirement benefits.
Si Ejercito ay tumatakbo muli bilang Gobernador sa kanilang lalawigan kaugnay ng gaganaping midterm elections sa Mayo 13 ng taong ito.
Naglaan naman ang Sandiganbayan ng P30,000 piyansa para sa dating Gobernador para sa pansamantala nitong kalayaan.
- Latest

















