Junjun Binay hindi dinis-qualify ng Comelec
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng abogado ni dating Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., na si dating Comelec chairman Sixto Brillantes ang mga kumakalat na balita na ito ay diniskwalipika na.
Ayon kay Brillantes, maaaring makatatakbo para sa puwestong kanyang pinagsilbihan ng dalawang magkasunod na termino si Binay Jr.
Iginiit ni Brillantes, na nagsilbing Comelec Chairman mula 2011 hanggang 2015, na ang Comelec at hindi ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang magpapasya kung si Mayor Junjun ay makatatakbo o hindi. “Walang pakialam ang DILG dito. Kahit ang Comelec spokesperson ay naipaliwanag na si Mayor Junjun ay hindi pinagbabawalang tumakbo”, wika ni Brillantes.
Ang tinutukoy ni Brillantes ay ang naging pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na tinanong sa isang panayam kamakailan lamang kung si Junjun Binay ay papayagang tumakbo bilang punong-lungsod ng Makati. “Sa paliwanag ni Jimenez, bagama’t ang isang pinal na desisyon ay maaaring pagbawalan ang isang indibidwal na kumandidato para sa isang pampublikong posisyon kapag may apela, o kung hindi pa pinal ang nasabing desisyon, nangangahulugan lamang na hindi ito pasok sa mga batayan ng diskwalipikasyon at wala itong pinagkaiba sa kaso ni Mayor Junjun”, dagdag ni Brillantes. Giit pa ni Brillantes, dahil nakaapela ang kaso ni Junjun Binay hindi ito maaaring gamitin upang pagbawalan ang dating Makati Mayor na kumandidato.
“Malinaw umano ang mga desisyon ng hukuman sa usaping ito - mapipigilan lamang ng Comelec ang mga nahatulan ng “perpetual disqualification from holding public office” sa pagtakbo sa isang halalan kapag mayroon nang “final and executory judgement” laban sa mga ito”, pagwawakas ni Brillantes.
- Latest