Matandang Tinali (226)
PINUNTAHAN nina Dong, Joy, Manong Naldo at Dolfo ang kubo ni Joy. Nahuhulaan na noon pa ni Dong na sinunog ni Joemari ang kubo nila ni Joy.
Tama ang hula niya.
Naratnan nila na umuusok pa ang mga natirang bahagi ng kubo. Ang haliging kahoy ay nag-aapoy pa. Wala nang maaaring maisalba pa sa mga gamit ni Joy.
Nanlumo si Joy. Marami siyang mahahalagang gamit na naabo. Ilang dokumento ang naroon. Meron din siyang pera sa maleta. May ilang alahas at mga relo roon.
Napaiyak siya.
Pinayapa siya ni Dong. Tinapik-tapik ang balikat.
“Huwag mo nang panghinayangan ang mga yun, Joy. Maaari pa nating maipundar ang mga nasunog, ang mahalaga ngayon ay nawala na ang taong banta sa ating buhay. Hayaan mo at gagawa uli tayo ng bagong kubo. Hayaan mo na ang mga nasunog, okey?’’
Tumango si Joy.
Maski si Manong Naldo ay sang-ayon sa sinabi ni Dong.
‘‘Madali n’yong makikita ang mga nawalang bagay. Makapagpupundar uli kayo, Joy. Tama si Dong na ang mahalaga ay nawala na ang salot sa inyong buhay.’’
“Opo Manong, naniniwala na po ako.’’
Pagkaraan ay ang kubo naman ni Dong ang pinuntahan nila.
Ganundin ang nangyari. Tupok na tupok din ang kubo ni Dong. Pero sa halip na magngitngit si Dong, napangiti lang ito.
‘‘Papalitan ko ng bago ang kubong ito. Bagong bahay dahil wala nang magtatangka sa atin. Magiging maligaya na tayo Joy.’’
Niyakap ni Joy si Dong.
“Mahal na mahal kita Dong.’’
“Pakasal na tayo!’’
Napaiyak sa kaligayahan si Joy.
(Itutuloy)
- Latest