Ipinoste sa FB... Bong Revilla nag-selfie sa selda
MANILA, Philippines — Nakatakdang imbestigahan ng PNP-Headquarters Support Service (PNP-HSS) ang mga bantay na pulis ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame matapos na makapag-selfie at makapag-post pa sa social media ng mensahe at larawan nito.
Kaya naman nagsagawa ng “surprise inspection” ang mga tauhan ng PNP-HSS sa selda ni Revilla at nakumpiska dito ang isang cellphone.
Ayon sa pamunuan ng PNP-HSS na nilabag ni Revilla ang polisiya at panuntunan na ipinatutupad sa nasabing detention facility na ipinagbabawal ang cellphone at anumang gadget sa loob ng kulungan kaya’t mananagot ang sinumang bantay na pulis na nakipagsabwatan kay Revilla.
Sa Facebook ay ipinost ni Revilla ang kaniyang larawan na humaba na ang bigote at balbas.
“Today is exactly my 4th year in prison. This is 4 years away from my family, missing out on the milestones of my childrens lives, 4 long years that I cannot get back”, ani Revilla sa kaniyang facebook account.
“May mga panahong dumating sa akin na talagang gusto ko ng sumuko. Pagod na rin po ako. Pagod na pagod na. Gayunpaman higit akong kumukuha ng lakas ng loob sa inyo at ibayong tiwala sa Panginoon na matatapos na rin naman lahat nito”, dagdag pa ng mambabatas.
Iniimbestigahan na ng PNP-HSS kung paano nakapasok ang cellular phone sa loob ng kulungan ng Senador at kung mapatunayang may pulis na nakipagsabwatan sa mga dalaw ng Senador ay tiyak na makakasuhan ang mga ito.
Si Revilla ay apat na taon ng nakakulong sa PNP Custodial Center kaugnay ng kasong plunder sa PDAF (Presidential Development and Assistance Fund) scam.
- Latest