Re-electionist na barangay chairman patay sa raid
MANILA, Philippines — Patay ang isang re-electionist na barangay captain matapos ang ikinasang raid ng mga otoridad sa mismong bahay nito sa Calinan District, Davao City.
Kinilala ang nasawing kapitan na si Antonio Guatno ng Purok Kwatro, Barangay Pangyan, Calinan District.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Region 11, nagsilbi ng search warrant ang kanilang mga operatiba laban kay Guatno dahil sa hinihinalang may itinatago itong mga hindi lisensyadong baril.
Sa pahayag ng pulisya, habang hinahalughog ng mga otoridad ang bahay ni Guatno ay bigla na lamang umano itong bumunot ng baril kaya’t inunahan na nila ito ng putok.
Sinubukan pa umanong dalhin sa Isaac Robillo Hospital ang kapitan ngunit idineklara ring dead-on-arrival.
Narekober ng CIDG 11 mula sa bahay ni Guatno ang isang 45 pistol at isang 9mm na baril.
Base sa search warrant na hawak ng mga operatiba, nagmamay-ari umano ang kapitan ng M14 at M16 armalite rifles at isang sub-machine gun.
- Latest