Panagkakaduan’an Street Dancers, wagi sa Dinamulag Mango Festival
IBA, ZAMBALES, Philippines — Nasungkit ng Panagkakaduan’ an Street Dancers mula sa bayan ng San Felipe sa lalawigang ito ang unang puwesto sa ginanap na Zambayle Street Dancing Competition sa pagdiriwang ng Dinamulag Mango Festival 2018 kamakalawa ng gabi.
Ang makulay at puno ng sayang kompetisyon na naglalarawan sa kaugalian, praktis at hamon sa pagtatanim ng manggang Dinamulag ay isa sa mga pangunahing tampok ng taunang Dinamulag Festival sa Zambales bilang pasasalamat sa Maykapal para sa masaganang ani at kaunlarang tinatamasa ng lalawigan at mamamayan.
Binigo ng Panagkakaduan’ an Street Dancers ang anim pang koponan upang tanghaling kampeon at iuwi ang premyong salapi na P200,000.
Pumangalawa naman ang Ibayle Street Dancers mula sa bayan ng Iba na nag-uwi naman ng P180,000 cash prize; sumunod ang San Agustin Street Dancers mula sa bayan ng Castillejos na may premyong P150,000. Ang mga hindi nanalo ay tumanggap naman ng P50,000 bawat-isa bilang consolation prizes.
Pinasalamatan naman ni Zambales provincial administrator at Festival Committee chair Atty. Izelle Deloso ang lahat ng biyayang tinanggap nito mula sa Panginoon, gayun din sa nakikitang kaunlaran ng lalawigan sa tulong ng mamamayan.
- Latest