2 karnaper tumba sa shootout
MANILA, Philippines — Tumimbuwang noon din ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na karnapper at notoryus na tulak ng shabu na nag-ooperate sa Metro Manila at Region 3 matapos na kumasa sa mga elemento ng Regional Highway Patrol Unit (RHPU) Region 3 sa naganap na barilan sa kahabaan ng Bypass Road, Brgy. Sta Cruz, Sta Maria, Bulacan nitong Sabado ng madaling araw.
Sa report na tinanggap kahapon ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Arnel Escobal, dakong alas -4:30 ng madaling araw ng makasagupa ng kanyang mga tauhan ang mga suspek na tumangging sumailalim sa inspeksyon sa checkpoint sa lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng RHPU, kasalukuyang nagpapatrulya ang team ng RHPU 3 sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte Bulacan nang maispatan ang isang Toyota Vios na sinasakyan ng dalawang suspek.
Gayunman, tinangka ng mga suspek na iwasan ang checkpoint na pinaputukan ang mga awtoridad saka sumibad palayo sa lugar na nauwi sa ilang minutong habulan at palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan ay napaslang ang dalawang suspek na kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Walang plaka o conduction sticker ang sasakyan ng mga suspek at lumabas sa pagsusuri ng chassis number na nakaalarma sa pulisya ang behikulo na isang nakaw na sasakyan.
Nasamsam naman ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang cal .45 at cal .38 na baril, isang granada at 15 sachets ng shabu.
- Latest