41 kadete sisipain sa PNPA
‘Pag guilty sa pambubugbog sa 6 newly grads…
MANILA, Philippines — Posibleng sipain sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang 41 kadeteng mapapatunayang guilty sa pambubugbog sa anim na mga bagong gradweyt sa PNPA Maragtas Class of 2018.
Sa phone interview, sinabi ni PNPA Director P/Chief Supt. Joseph Adnol, nahaharap sa kasong kriminal ang siyam sa mga kadete na natukoy habang 15 naman ang sasampahan ng kasong administratibo.
Sa kabuuan, ayon sa opisyal ay 41 kadete ang iniimbestigahan ng binunong Special Investigating Team upang mabigyang linaw ang insidente.
Kabilang sa mga binugbog na bagong gradweyt sa PNPA Maragtas (Magiting at Responsableng Alagad ng Batas na Gagabay sa Transpormasyong Alay sa Bayang Sinilangan) Class of 2018 ay sina Inspectors Ylam Lambenecio, Arjay Divino, Mark Kevin Villares, Floyd Traqueña, Jan Paul Magmoyao at Arjay Cuasay. Ang mga ito ay agad binigyan ng ranggong Inspector matapos ang graduation ceremony nitong nagdaang Marso 21.
Samantala, itinuro naman matapos na makilala ng ilang testigo ang siyam na mga sangkot sa pambubugbog na sina 2nd Cadet Donald Kissing, 2nd Class Jem Peralta, 2nd Class Clint John Baguidodol, 2nd Class Paul Christopher Macalalad, 2nd Class Loreto Tuliao Jr at mga tinukoy lamang sa mga apelyidong 2nd Class Calamba, 2nd Class Coplat, 2nd Class delos Santos at 2nd Class Amanon. Ayon sa opisyal sina Lambenecio at Divino ay nagbigay na ng kanilang affidavit sa mga imbestigador ng Silang Police at inireklamo ng pambubugbog ang mga suspek habang ang iba pa sa mga biktima ay wala pang affidavit.
Ang mga nabanggit ay nahaharap sa kasong kriminal habang nasa 20 kadete naman ang isasalang ng PNPA Class 2019 investigating team sa pre-charge investigation.
Sa kasalukuyan, sumasailalim na sa imbestigasyon ang mga naka-confine sa barracks na 41 itinuturing na mga ‘cadets of interest” na nanganganib mapatalsik sa PNPA kapag napatunayang guilty o may kinalaman sa pambubugbog.
- Latest