Misis ng napatay na lider ng Maute, nadakip
MANILA, Philippines — Nasakote kamakalawa ng mga otoridad sa isang operasyon sa Cotabato City ang misis ng nasawing lider ng Maute terror group na si Abdullah Maute na naghasik ng gulo sa Marawi City.
Kinilala ang suspek na si Najiya Dilangalen Karon Maute.
Sa ulat ni Chief Supt. Graciano Mijares, Director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM ) Police Regional Office (PRO) bandang alas-2:30 ng hapon nang masakote ng mga otoridad ang suspek sa Brgy. Rosary Heights 3 ng lungsod.
Inaresto si Najiya kaugnay ng kasong paglabag sa Article 134 (rebelyon) sa pagkakasangkot sa Marawi City siege na inilunsad ng Maute – Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa pangunguna ni Commander Isnilon Hapilon, ang nasawing itinalagang Emir ng ISIS sa Southeast Asia at ng Maute brothers na kinabibilangan ng mister ni Najiya na si Abdullah.
Ang Marawi City siege ay isinagawa ng Maute –ISIS terrorists noong Mayo 23, 2017 na natuldukan noong Oktubre 23 ng nakalipas ding taon.
Ang insidente ay nagbunsod upang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa martial law ang buong rehiyon ng Mindanao.
- Latest