State of calamity idineklara na sa Surigao City
Sa 6.7 magnitude na lindol; 7 patay, mahigit 100 pa sugatan...
MANILA, Philippines – Idineklara na kahapon sa state of calamity ang Surigao City, Surigao del Norte matapos ang pagtama ng 6.7 mapaminsalang lindol na kumitil ng buhay ng nasa pito na katao habang mahigit pa sa 100 ang nasugatan nitong Biyernes ng gabi.
Sa pamamagitan ng isang memorandum na ipinalabas ni Surigao City Mayor Ernesto Matugas, idineklara ang state of calamity dahilan sa nasa 54 Barangay sa kanilang lungsod ang napinsala ng lindol na tumama kamakalawa bandang alas-10 ng gabi habang karamihan sa mga residente ay mahimbing na natutulog.
Nabatid na dumaranas ng malawakang blackout at kawalan ng supply ng tubig ang Surigao City at iba pang mga apektadong lugar sa Surigao del Norte.
Sa ipinalabas na inisyal na report ng CARAGA Office of Civil Defense (OCD), sinabi ni Public Affairs Officer April Rose Sanchez; kinilala ang anim sa mga nasawi na sina Robert Eludo Jr., 39; JM Ariar, 4; Lito Wilson; Wenefreda Aragon Bernal, 66; Lorenzo Deguino, Roda Taganahan Justina at isang hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan. Apat sa mga nasawing biktima ay nadaganan ng debris, isa ang inatake sa puso habang ang isa pa ay nabagsakan naman ng pader.
Nasa 120 naman ang nasugatan na isinugod sa CARAGA Regional Hospital at Miranda Family Hospital habang 73 sa mga ito ay pinayagan ng makauwi ng kanilang mga tahanan matapos na mabigyan ng pangunahing lunas.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOCs ) Director Renato Solidum, nasa 89 aftershocks ang naitala bunga ng paggalaw ng fault zone matapos ang lindol na puminsala rin sa paliparan ng lungsod at iba pang mga gusali at istraktura. Pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng tsunami.
Nabatid na karamihan sa mga residente ay mahimbing ng natutulog ng yanigin ng lindol ang lungsod ng Surigao kung saan marami sa mga ito ang nagpanik at nagtakbuhan sa mga kalsada habang ang iba naman ay halos hindi makatayo sa lakas ng pag-uga.
Samantalang maging ang isang bahagi ng kisame ng Caraga Regional Hospital ay bumagsak sa insidente at mabuti na lamang at walang tinamaan sa mga pasyente dito habang naglagay na rin ng mga tolda sa labas ng pagamutan. Hindi rin magamit ang paliparan ng lungsod matapos mapinsala ang istraktura nito.
Nagtamo rin ng pinsala sa insidente ang mga gusali at establisyemento kabilang ang Gaisano Capital shopping mall, Parkway Hotel at iba pa habang bahagyang pinsala naman ang tinamo ng Surigao State College of Technology, Palma Store bahagi ng kalsada sa Brgy. Rizal at bahagi ng national highway sa Brgy. Luna habang napinsala rin ng lindol ang tulay sa Brgy. Anao-aon sa San Francisco, Surigao del Norte.
- Latest