Oplan galugad sa Quiapo, daang katao inaresto

PNP, AFP todo bantay vs terror group
MANILA, Philippines – Daang katao ang isinailalim sa imbestigasyon matapos maaresto sa raid ng pinagsanib na operatiba ng PNP- Special Action Force (PNP-SAF) at Manila Police District (MPD) sa Muslim compound sa Palanca Street, Quiapo, Manila kahapon.
Ito’y upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga deboto kaugnay ng isasagawang traslacion ng Itim na Nazareno ngayong araw at bukas.
Ayon kay Manila Police District Director P/Sr. Supt. Joel Napoleon Coronel nais lamang nilang makasiguro na walang Maute terror group na nagtatago sa nasabing Muslim compound. Una nang ibinulgar ni Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno na nagtatago sa Metro Manila ang naturang teroristang grupo.
Gayundin sa gitna na rin ng bantang pagresbak ng Maute terror group na dumaranas ng dagok sa opensiba sa Mindanao kaya todo bantay ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga elementong kriminal at teroristang grupo na posibleng magtangkang maghasik ng terorismo sa makasaysayang okasyon.
Samantalang pinangangambahan din ang sympathy attacks ng Maute terror group matapos na mapatay sa engkuwentro ang kaalyadong lider ng Ansar Al -Khilafah Philippines na si Mohammad Jaafar Maguid alyas Tokboy sa Kiamba, Sarangani noong Huwebes.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa hindi niya inaalis ang banta ng panganib kaya dapat magingat at maging vigilante ang lahat.
Kasabay nito, nanawagan naman ang opisyal sa netizens na makipagtulungan sa mga awtoridad, maging mapagmatyag at pairalin ang pagiging vigilante ng mga ito upang mapigilan ang anumang masamang tangka.
Muli namang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde na handang handa na ang seguridad na kanilang ipatutupad para sa kaligtasan ng milyong deboto. Sinabi ni Albayalde na bukod sa sila ay naka full alert sa okasyon, nakakalat na din ang may 5,000 mga pulis na magbabantay sa milyong mga deboto na kasama sa translacion. Idinagdag pa nito na makakatuwang din ng kanilang hanay sa seguridad ang nasa 650 mga sundalo at 1,200 Metro Manila Development Authority (MMDA) personnels. Ludy Bermudo, Joy Cantos, Angie dela Cruz
- Latest





















