Pagpatay kay Mayor Espinosa planado

MANILA, Philippines - “So hindi pa kayo nakakapasok, nagre-request na kayo ng Soco? Bakit, ina-anticipate n’yo ba na may papatayin kayo kaya nagre-request na kayo ng Soco?”.
Ito ang pagtatanong ni Senator Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order base sa mga narinig na testimonya sa isinagawang imbestigasyon at naniniwala na plinano ang pagkakapaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.,sa loob ng Baybay City Provincial Jail noong Nobyembre 5.
Napuna ni Lacson na base sa oras at pagkakasunod-sunod ng pangyayari ay hindi pa nakakapasok sa loob ng jail ang grupo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) subalit, nag-request na ang mga ito ng SOCO o scene of the crime operatives.
Ginawa ni Lacson ang pagtatanong matapos ihayag ni Supt. Elmer Beltajar, regional director of Philippine National Police (PNP) Eastern Visayas, na nag-request ng team mula sa SOCO si Supt. Santi Noel Matira dakong alas-3:49 ng umaga.
Kasama si Matira sa nagsagawa ng operasyon sa pangunguna ni Chief Inspector Leo Laraga, na itinalaga naman ni CIDG Region 8 chief Supt. Marvin Marcos.
Sa presentasyon ni Marcos tungkol sa pagkakasunod-sunod nang pangyayari, lumalabas na nakapasok sa loob ng jail ang mga taga-CIDG dakong alas-4:30 ng umaga.
Sinabi pa ni Lacson na mistulang tumawag ang mga taga-CIDG ng punerarya gayong wala pang engkuwentrong nangyayari.
Si Laraga ang umamin na nakapatay kay Espinosa, samantalang si SPO4 Juanito Duarte naman ang nakapatay sa isang pang suspek na sangkot sa ilegal na droga na si Raul Yap.
- Latest
















