7 sangkot sa droga sa Metro Manila, napatay
MANILA, Philippines – Pitong kalalakihan na umano ay sangkot sa illegal drugs ang napatay sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sa Makati City, dalawang lalaki na biktima ng salvage ang natagpuan at may nakalagay na karatula na sila ay drug addict at magnanakaw kahapon ng madaling araw sa 1st Avenue kanto ng JP Rizal, Brgy. East Rembo at Pili St., kanto ng Kalayaan Avenue, Brgy. West Rembo.
Kapwa may mga tama ng bala sa ulo ang dalawang biktima na nakabalot ang mga mukha ng packaging tape at nakalagay sa isang plastic at kahon.
Napatay din sa Pasay City ang dalawang kilabot na holdaper at drug addict nang manlaban umano ito sa mga pulis na naaktuhan sila habang nagsasagawa ng pot session kamakalawa ng gabi.
Ang mga suspek ay kinilala na sina Junior Obaro at isang “alias Tisoy”, kapwa nasa hustong gulang.
Sa Maynila, dalawang lalaki na hinihinalang sangkot sa droga ang napatay sa magkahiwalay na drug operation ng Manila Police District (MPD) kamakalawa ng gabi.
Unang nasawi dakong alas-10:38 ng gabi si Macawadib ‘Jumar’ Jamar, ng 292 Quezon Marinaut, Marawi City.
Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng MPD-Station 4-Anti-Illegal Drugs (SAID)/Anti-Crime at Gulod Police Community Precinct (PCP) nang makasagupa ang suspek at napatay sa ikalawang palapag ng isang apartment building na matatagpuan sa 926 Rosarito Street, Sampaloc.
Ang ikalawang suspek na napatay dakong ala-1:50 ng madaling araw ay kinilalang si Ferdinand Salazar, 20 nang manlaban sa ikinasang buy bust operation.
Napatay din ng mga otoridad ang suspek na kinilalang si Elizalde Ticman, 36 ng Binondo, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon nang makatanggap ang MPD-Station 11 ng tawag mula sa isang concerned citizen na nakita ang suspek na nasa drug watch list.
Pinuntahan si Ticman at nang makita ang mga dumating na pulis ay bigla na lamang itong nagpaputok na dahilan upang gumanti ng putok ang mga otoridad at napatay ito.
- Latest