Kanlaon volcano sa Negros, sumabog
MANILA, Philippines – Nagulantang ang mga residente matapos na sumabog na ang Bulkang Kanlaon sa Negros nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-9:10 ng umaga nang maitala ang phreatic explosion ng bulkan na may taas na 400-meter hanggang 1,500-metrong pataas na kulay abo hanggang sa puting usok na nagmula sa bunganga ng naturang bulkan.
Ang usok ay naitala papunta sa direksiyon ng pakanluran hilagang kanlurang bahagi mula sa bunganga ng bulkan.
Una rito, nakapagtala ng tatlong volcanic earthquakes sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nakapagtala din ang Kanlaon ng mahinang pagluwa ng puting usok na may 100 metro ang taas.
Nananatili namang nasa Alert Level 1 ang bulkan na nangangahulugan ng pag aalburoto nito na may minor eruptions .
Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang pagpasok ng sinumang indibidwal partikular ng mga residente doon at mountaineers sa loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa posibleng mas malakas na pagsabog ng bulkan at bahagyang ash eruptions.
Hindi rin pinapayagan ng Phivolcs na lumapit sa may bunganga ng bulkan ang mga sasakyang panghimpapawid.
- Latest