NGCP tower sinunog
MANILA, Philippines – Muli na namang naulit ang pagsasabotahe ng mga armadong kalalakihan sa mga tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos sunugin ang isang tower kamakalawa ng gabi sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Sa ulat ng Central Mindanao Police, bago nangyari ang pagsunog dakong alas-11:40 ng gabi sa Tower 762-B na matatagpuan sa Brgy.Salimbao ay ilang mga armadong kalalakihan ang nakitang umaaligid sa lugar.
Nang makakuha ng tiyempo ay binuhusan ng gasolina ng mga suspek saka sinindihan ang nasabing tower at nagliyab ang apoy at nahagip ang linya ng kuryente at agad na tumakas.
Dahil sa pangyayari ay nawalan ng suplay ng kuryente sa Maguindanao, North Cotabato at maging sa Cotabato City.
Magugunita na sunud-sunod ang pagpapasabog at panununog ng mga armadong kalalakihan sa tower ng NGCP kaya’t isinailalim sa red alert ang mga tanggapan ng militar at humingi na rin ng tulong sa security forces.
Pinaniniwalaan namang pangingikil ng pera sa pangasiwaan ng NGCP ang motibo sa panununog ng mga suspek na hinihinalang mga Alkhobar extortion gang o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
- Latest