5 minaltratong Pinay sa uae naiuwi ni Binay
MANILA, Philippines – Wala halos paglagyan ng katuwaan ang limang minaltratong Pinay workers sa Dubai nang sila ay tulungan ni Vice President Jejomar Binay na makasamang umuwi sa Pilipinas matapos unang kupkupin ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai, United Arab Emirates.
“Hindi man sila nakauwi noong Disyembre, ito ang pinakamagandang pamasko para sa kanila at sa kanilang mga pamilya,” wika ni Binay.
Nakipagkita si Binay, dating Presidential adviser on OFW concerns, kina Rosminda Baui, 27, tubong Cabagan, Isabela; Belsie Espine, 36, ng Magalona, Negros Occidental; Leowilyn Tan, 31, ng Wao Lanao del Sur; Angelyn Tak, 26, ng Kiamba, Saranggani at Lucrecia Insesto, 42, ng Zamboanga Sibugay sa POLO center sa Dubai noong Huwebes at personal na ibinalita na isasama na sila pag-uwi nito sa Pilipinas matapos ang kanyang 3-araw na pagbisita sa UAE.
Ang lima na ang karamihan ay tumakas sa kanilang mga amo ay dumanas ng pagmamaltrato at pang-aabuso.
Sinabi ni Binay na inako ng kanyang mga nagmagandang loob na kaibigan at supporter ang plane tickets ng limang OFWs.
“Bago kami umalis papunta dito sa Dubai, nalaman namin na may mga kababayan tayo na pwede nang umuwi at kulang na lang ang pamasahe kaya minabuti namin na tumulong sa kanila,” pahayag ni Binay.
Idinagdag pa ni Binay, dati ring chairman of the Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (PTFAIR), na handa siyang tumulong sa imbestigasyon sa mga kaso ng OFWs lalo na sa mga nabigyan ng ibat ibang trabaho na iba sa kanilang nilagdaang kontrata kasabay ng panawagan nito na magkaroon ng mas malinaw na panuntunan sa repatriation sa mga undocumented OFWs.
- Latest