Traslacion umabot ng mahigit 20 oras
MANILA, Philippines – Umabot ng mahigit 20 oras bago tuluyang naipasok dakong alas-2:00 ng madaling araw sa Minor Basilica Church sa Quiapo ang Poong Itim na Nazareno dahil umano sa hindi nasunod na itinakdang ruta.
Gayunman, sa pangkalahatan ay naging mapayapa naman ang pagdiriwang na dinaluhan ng may 1.5 milyong deboto na posibleng mas higit pa ang bilang kung isasama ang mga nagtungo sa pahalik na sinimulan ng Enero 8 alas-6:00 ng hapon sa Luneta Grandstand at sa mga nag-aabang lamang sa mga daraanang ruta at paligid ng Quiapo.
Noong nakalipas na taon ay umabot lamang sa 19 oras ang pagtatapos ng prusisyon, taong 2014 ay 10 oras din at 2013 ay nasa 18 oras at noong taong 2012 ay mahigit 22 oras.
Nagpasalamat naman si MPD Director Chief Supt. Rolando Nana at naging maayos ang pagdaraos bagamat nalungkot din sa dalawang lalaki deboto na naitalang namatay kaugnay sa Traslacion na kinilalang sina Alex Fullido, 27 ng Blumentritt, Sampaloc, Maynila na inatake sa puso sa sobrang pagod at Mauro Arabit, 58.
Noong nakalipas na taon (Enero 9, 2015) ay dalawa rin ang namatay sa kasagsagan ng Traslacion na sina Renato Gurion, residente ng Sampaloc, Maynila, na may limang taon ng miyembro ng Hijos Del Nazareno at isang hindi kilalang lalaki na hinimatay, natapak-tapakan at tuluyang binawian ng buhay.
- Latest