Pasyente ng ambulansiya todas sa salpok ng taxi
MANILA, Philippines – Hindi na nakarating ng buhay sa ospital ang pasyente na lulan ng ambulansiya matapos masalpok ng isang taxi kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ang biktima na tuluyan nang nasawi ay kinilalang si Robes Domingo Jr., 48, ng San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.
Nasugatan naman ang mga pasahero na sina Alvin Mesa, 47 at Alyssa Mae Mesa, 14, kapwa residente ng #4703 Rose St, Goodwill Subdivision, Barangay Tambo, Parañaque City na dinala sa Manila Adventist Hospital.
Nasa kustodya ng pulisya ang taxi driver na si Henry George Agustin-Tolentino, 49, may-asawa, ng #37-A Luna St., J. P. Rizal Extension, West Rembo, Makati City.
Bago nangyari ang aksidente dakong alas-7:15 ng umaga sa intersection ng J.W. Diokno Boulevard at Coral Way ng lungsod ay minamaneho ni Jonathan Panem, 27, ang kanyang ambulansiya at sakay si Domingo para dalhin sa San Juan De Dios Hospital dahil sa kritikal nitong kalagayan sa sakit.
Habang binabagtas ang lugar ay siya namang pagsulpot ng taxi (UVU-701) ni Tolentino at hindi na nakapagpreno at nasalpok ang ambulansiya.
Sa lakas nang pagkakasalpok ay nagtamo ng matinding pinsala si Domingo at hindi na ito nakarating ng buhay sa naturang ospital. Habang nasugatan ang sakay na sina Alvin at Alyssa Mae.
- Latest