Auditor ninakawan ng kapitbahay habang nasa bakasyon
MANILA, Philippines – Sinamantala ng dalawang lalaki ang pagbabakasyon ng kanyang kapitbahay na auditor ng Commission on Audit (COA) sa lalawigan ng Bulacan kaya’t pinasok ang bahay nito at natangay ang gadgets at pera kamakalawa sa Malabon City.
Umaabot sa mahigit P170,000 halaga ng pera, gadgets at alahas ang tinangay sa biktimang si Rosie Marie Magataan, 51, balo sa kanyang bahay na matatagpuan sa No. 11, VMN Compound, Orange Road, Brgy. Potrero ng naturang lungsod.
Ang dalawang suspek na nakatakas ay kinilalang sina Randy Magpayo, alyas “Randy Ulo”, 31; at Jonel Pascua, kapwa residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat, umalis ang biktima at kanyang pamilya para magbakasyon at magpalipas ng Pasko sa Bulacan, subalit nakatanggap ito ng tawag buhat sa kanyang kapitbahay at sinabi pinagnakawan ang kanyang bahay kaya’t dali-dali siyang umuwi.
Nang makauwi ang biktima sa kanyang bahay ay nakumpirma ang panloloob sa kanyang bahay at natangay ang P5,000 cash, isang laptop computer, isang digital camera, isang computer tablet, hard drive, at mga alahas na aabot sa kabuuang halaga na P173,000.
Nabatid na winasak ng mga suspek ang bintana ng bahay ng biktima at doon sila dumaan para makapasok.
Nakilala naman sina Magpayo at Pascua nang isang saksi ang lumantad at ituro ang mga ito.
- Latest