2 NPA rebels, 1 sundalo patay sa bakbakan
MANILA, Philippines - Nasawi ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at isang sundalo habang isang Army Corporal ang nasugatan nang magkasagupa kamakalawa sa isang liblib na lugar sa bayan ng Hinobaan, Negros Occidental.
Batay sa ulat, sinabi ni Army’s 3rd Infantry Division (ID) Spokesman Major Ray Tiongson, bandang alas-7:40 ng umaga nang makabakban ng tropa ni Lt. Col. Harold Anthony Pascua, Commander ng 79th Infantry Battalion (IB) ang nasa 12 armadong rebelde sa Brgy. Damutan, Hinobaan.
Umabot sa 15 minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng sundalong si Corporal Jonathan Egaran habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sugatang si Corporal Melbin Legaspi at inaalam ang pagkakakilanlan sa dalawang napatay na rebelde.
Nabatid na bago nangyari ang bakbakan ay inatake ng mga armadong rebelde ang Hacienda Jamandre at binihag ang isang kasapi ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) na si Cerilo de Asis na ginamit bilang kalasag sa pagtakas sa Brgy. Robles, La Castellana, bandang alas-8:45 ng gabi.
Bukod dito ay niransak din ng mga rebelde ang bahay ng isa ring RPA-ABB member na si Maximo Magbanua at kinuha ang tatlong armas na kinabibilangan ng isang submachine gun, grenade launcher at isang pistol.
Narekober naman sa pinangyarihan ng engkuwentro ang mga basyo ng bala ng M16 rifle at M203 grenade launcher, mga personal na kagamitan at mga subersibong dokumento gayundin ang isang baby armalite rifle na naiwan ng mga nagsitakas na rebelde.
- Latest