Seguridad sa Simbang Gabi, plantsado na
MANILA, Philippines – Plantsado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa susunod na linggo kaugnay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor na kasalukuyan ay nasa heightened alert ang PNP sa Oplan Ligtas Paskuhan at depende na sa mga district director, regional directors, provincial directors at iba pang mga unit commanders kung magtataas sa full alert status sa umpisa ng Simbang Gabi sa Disyembre 16 hanggang sa 24.
Magdedeploy ng karagdagang mga pulis sa bisinidad ng mga simbahang Katoliko upang bigyang proteksyon ang mga dadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi.
Magtatalaga rin ng mga chokepoint at checkpoints sa mga istratehikong lugar kung saan makakatuwang ng mga pulis ang mga K 9 dogs upang tiyakin ang seguridad ng mamamayan.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na iwasan ang pagsusuot ng mamahaling alahas, pagdi-display ng pera sa mga matataong lugar at maging ng mga mamamahaling cellphone at iba pang electronic gadgets upang makaiwas sa pambibiktima ng mga masasamang loob.
- Latest