1-taong sahod ng OFW natangay ng ‘budol-budol’ sa NAIA
MANILA, Philippines – Natangay mula sa isang overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang isang taong sahod matapos umanong mabiktima ng budol-budol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa.
Sa salaysay ng biktimang si Sarina Jimmy, lumapag siya sa NAIA mula Qatar para sa kanyang connecting flight patungong General Santos City nang lapitan umano siya ng isang babaeng nag-alok ng tulong upang hanapin ang kanyang boarding gate.
Imbes na sa NAIA Terminal 3 umano siya dalhin ng babae ay dumiretso sila sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ay dito umano may tumulak sa kanya habang nag-aabang ng tren dahilan para mahulog sa pagitan ng tren at platform.
Dahil sa pananakit ng paa at hita, sinamahan si Jimmy ng babae sa isang clinic, subalit habang inaasikaso sa pagamutan ay bigla na lamang umanong nawala ang babae dala ang lahat ng kanyang bagahe.
Bukod sa kanyang sahod kasamang nakuha mula sa biktima ang mga cellphone at alahas na ipapasalubong sana sa mga kaanak.
Nakatakdang busisiin ng Pasay City Police ang mga CCTV camera sa NAIA at MRT-3 para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest