Babaeng pulis nag-shoplift, dinakip
MANILA, Philippines – Isang babaeng pulis ang dinakip ng isang sekyu ng mall dahil sa umano’y tangkang pagpuslit ng mga accesories na nagkakahalaga ng mahigit sa P5,000 naganap kamakalawa sa Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si PO1 Irene Pelagio, 26, nakatalaga sa Nagcarlan, Laguna Police Station.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Cris Zaldariaga, dakong alas-4:30 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa ground floor ng SM Cubao.
Bago ito ay nakita ang pulis sa may infant and teens section na nasa ikalawang palapag ng SM at namili ng mga items.
Nang makapili na ay dumiretso ito sa fitting room at makalipas ng ilang minuto ay lumabas bitbit ang ilang piraso ng pinili niyang damit at naiwan umano sa loob ang ilang items saka nagpunta sa counter at nagbayad.
Nang makabayad ay lumabas ng SM ang suspek, subalit ilang sandali ay muli itong bumalik at nagtuloy sa fitting room at inilagay nito sa dala niyang bag ang iniwang items na hindi bayad.
Subalit, hindi alam ng suspek ay nakamasid na sa kanya ang security guard ng mall at nang makita na palabas at hindi nagbabayad sa cashier ay doon na ito nilapitan at inimbitahan sa kanilang opisina.
Nakita ang damit at akasesorya ng pang sanggol at pang tinedyer na aabot sa kabuuang halagang P5, 517.50.
Ang suspek ay kinasuhan ng theft at posibleng maharap sa administratibo na kapag napatunayan ay maaaring matanggal sa serbisyo.
- Latest