Pinoys sa Qatar pinag-iingat sa ‘paluwagan’ scam
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar ang lahat ng mga overseas Filipino workers (oFws) sa investment scam na ‘paluwagan’ na marami nang nabiktima.
Ayon sa report ng Embahada sa Department of Foreign Affairs (DFA), na dumagsa ang natanggap nilang reklamo mula sa mga naging biktima ng investment scam na nakilala sa tawag na “Invest Your Money and Earn Double” o paluwagan at “Fastline” na ino-operate ng grupo ng mga indibiduwal sa Doha.
Nabatid na nagsimula ang investment scam noong Marso 2015 na kung saan ang unang batch ng investors ay kumolekta umano ng na-invest na pera na may interes na 600% sa loob lamang ng 2-3 buwan at karamihan sa mga ito ay nire-invest ang kanilang pera upang kumita ng mas malaki.
Kaya’t kumalat ang ang balita sa iba’t ibang lugar at malls matapos na makuha ng mga early investors ang kanilang shares o kita na may malaking interes na siyang naghimok sa mga investors sa alok na sumali at mag-invest.
Gayunman, laking dismaya at pagsisisi ng mga investor nang mapag-alamang ang kanilang pera na in-invest ay nawala at ang operator na kanilang tinatawag na mga lider ng “Invest Your Money and Earn Double” at “Fastline” ay hindi na makontak at tumakas palabas ng Qatar.
- Latest