Magtatagal pa hanggang Biyernes... 18 patay sa bagsik ni ‘Lando’
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 18 katao ang naitalang nasasawi habang 21 ang nasugatan at walo ang nawawala sa hagupit ng bagyong Lando sa naapektuhan mga lugar sa Central at Northern Luzon.
Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, dalawa sa mga nasawi ay nakilalang sina Benita Famanilay, 62 na nadaganan ng gumuhong pader sa Subic, Zambales at Rannel Castillo, 14, nabagsakan ng nabuwal na punong kahoy sa Quezon City.
Pito naman ang nasawi sa paglubog ng bangka sa karagatan ng Iloilo at Guimaras na kinilalang sina Mark Mata, 9; Shiela Mata, 6; Christine Daryle Vasquez, Cora Ganila, Mary Ann Gallego, tripulante ng M/B Tawash na sina Larry Abilla, 59 at Ruben Gania, 54.
Nawawala naman sina Shine Mata, 30, (ina ng nasawing sina Mark at Shiela) at CJ Gamotea.
Isa rin ang nasawi sa landslide sa Brgy. Dalipey, Bakun, Benguet na kinilalang si Fernando Gumpad, 57.
Sa ulat ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, dalawang bangkay ang natagpuan na tinangay ng agos ng tubig baha na inaalam pa kung residente ng kanilang lalawigan.
Isa ring 6 anyos na batang babae ang nawawala matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa Nueva Vizcaya.
Nasawi naman ang dalawa katao sa Gonzaga, Cagayan na kinilalang sina Hazel Pacose, 25 at Eddie Panan, 53 matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang van sa puno ng gemelina sanhi ng madulas na daan.
Isa rin ang napaulat na namatay mula naman sa Dinalungan, Aurora nasi Armando de Leon matapos na malunod at sa Casiguran na sina Leonardo Cinco, 11 at Riza Lisma 40.
Nasawi rin ang isang Teofilo Saguin habang 26 ang nailigtas matapos na lumubog ang isang pampasaherong bangkang Jaymart sa karagatan ng Brgy Zaragoza, Surigao City, Surigao del Norte.
Umaabot na sa 37,455 pamilya o kabuuang 182,946 katao ang naapektuhan ng bagyong Lando sa Region 1, 2, 3, 4-A, 5 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) na napatili ng bagyong Lando ang kanyang lakas sa signal 2 sa 12 lalawigan.
Nakataas ang signal number 2 sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Apayao, kalinga, Mt. Province, Ifugao, Benguet at Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan group of Island.
Nakataas naman ang signal number 1 sa mga lalawigan ng Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Isabela at Batanes.
Tinatayang mananatili pa sa Philippine area of responsibility (PAR) si Lando hanggang Biyernes.
- Latest