Tatakbong Makati Mayor... Rep. Binay kapalit ni Junjun
MANILA, Philippines – Naghain kahapon ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Makati 2nd District Rep. Abigail Binay bilang kapalit sa nadismis niyang kapatid na si Makati Mayor Junjun Binay.
Sinamahan si Rep. Binay sa paghain ng kanyang COC sa local Commision on Elections (Comelec) Makati office, ng kanyang kapatid na si Mayor Junjun, magulang na sina Vice President Jejomar Binay at Dra. Elenita, at Senator Nancy.
Runningmate ni Rep.Binay si 1st District Rep. Monique Lagdameo para sa pagka-vice mayor.
Ayon kay Mayor Binay na napagpasyahan ng partido na si Rep. Binay ang tatakbong Mayor sa 2016 na may sapat na kaalaman, karanasan at kakayahan upang ipagpatuloy ang serbisyong Binay, serbisyong nakalaan sa paglilingkod sa mga mahihirap.
Humingi rin nang pang-unawa si Mayor Junjun sa mga nananalig sa kanyang pamumuno at ang pagiging lingkod bayan ay may naka-akibat na mga sakripisyo at pagtitiis.
“Ang lahat ng ating kailangan gawin ay higit sa ating sarili. Umasa kayo na magpapatuloy ang aking paglilingkod ayon sa itinakda ng panahon.” wika ni Mayor Junjun.
Inamin ni Rep. Binay na wala siyang plano na tumakbong Mayor hanggang sa nag-isyu ang Office of the Ombudsman ng dismissal order laban sa kapatid na si Mayor Junjun na kung saan ay maraming pulis ang dumating sa bahay ng kapatid.
“Wala naman talaga akong planong tumakbo. Nagdesisyon ‘yung pamilya at partido (United Nationalist Alliance) dahil sa panggigipit na ginawa sa kapatid ko. In fact, kahapon, tatlong mobile ‘yung pulis na pinapunta sa bahay niya,” wika nito.
“Grabe ‘yung panggigipit. Kailangang ipagpatuloy ‘yung laban kaya kailangang ako ‘yung mag-file ng pagka-mayor.”
Sinabi naman ni Sen.Nancy na lumabas na ang totoo na ang pagpapatanggal sa puwesto sa kanyang kapatid ay para bumalik sa kapangyarihan ang mga Mercado at pulitika ang nasa likod at hindi ang katotohanan.
- Latest