PUJ nahulog sa Lagusnilad: 11 sugatan
MANILA, Philippines – Labing-isang katao ang nasugatan matapos mahulog ang isang pampasaherong dyip sa Lagusnilad sa panulukan ng Padre Burgos Drive at Villegas St., Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Apat sa 11 sugatan ang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) na kinilalang sina Bryan Barquin, 29, na nabalian ng paa; Kennedy Sol, 24, empleyado; Aldrin Ubueno, 42, vendor, at Mary Joy Oriarte, 23, na pawang nagtamo ng sugat at pasa sa ulo at katawan. Hindi pa matukoy kung saang pagamutan isinugod na ospital ang 6 pang sugatan.
Sa ulat Manila District Traffric Enforcement Unit (MDTEU), bago nangyari ang aksidente dakong alas-3:00 ng madaling araw ay mabilis ang takbo ng jeep na may plakang TVY-585 na minamaneho ng isang alyas Arman na papuntang MCU galing Taft Avenue.
Nawalan ito ng kontrol sa manibela matapos umano nitong iwasan ang biglang sumulpot na mga tumatawid na batang hamog sa lugar.
Kinabig umano ni Arman ang manibela hanggang sa magpagewang-gewang at bumangga sila sa poste at puno bago nahulog sa ibaba ng Lagusnilad.
Isa sa mga pinaka-napuruhan ay ang konduktor ng jeep na si Barquin na napilipit umano ang paa.
Tumakas ang driver na si Arman, na sinasabing may sugat sa ulo at braso at nagmamadaling sumakay sa pedicab patungong Divisoria.
Rumesponde ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang humila sa pampasaherong jeep.
- Latest