Nagnakaw sa P9.4 -M pondo para sa 4Ps, tiklo
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng pulisya pagkatapos ng halos dalawang taong pagtatago ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagnanakaw ng P 9.4 M Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa isinagawang operasyon sa Lucena City, Quezon kamakalawa.
Ang suspek ay kinilalang si Emilron dela Torre na nasakote ng PNP-CIDG operatives at Lucena City Police sa raid sa hideout nito sa Lakandula St., Brgy. 7 sa Lucena City.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Victor Deona na ang suspek kasama ang dalawang iba pa ang responsable sa panghoholdap sa limang empleyado ng Philippine Postal Corporation Regional Office na naatasang maghatid ng P9.4 M pondo para sa 4P’s mahigit 2 taon ang nakalilipas.
Ang 4Ps ay isa sa mga pangunahing proyekto ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino bilang tulong sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Magugunita na biniktima ng mga suspek ang mga empleyado ng Philippine Postal Corporation na sina Brian Dizon, Odith Cadano, Geraldine Badong, Niño Calabia at Patrick James Patungan habang kumakain sa isang restaurant.
- Latest