Misis tumangging maging organizer ng NPA rebels, tinodas
MANILA, Philippines – Sa harapan ng kanyang mister itinumba ang isang misis nang ito ay pagbabarilin nang tumanggi na maging community organizer ng New People’s Army kamakalawa sa San Fernando, Masbate.
Ang biktima na namatay noon din dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Meriam Capsa.
Batay sa ulat, bago naganap ang krimen sa bisinidad ng Brgy. Valparaiso ay lulan ng motorsiklo si Meriam kasama ang mister nitong si Ariesto kasunod ang tatlong iba pa nilang kasamahan patungo sana sa Brgy. Poblacion nang harangin ng mga armadong rebelde.
Nakasuot ang mga rebelde ng camouflage uniform na pawang armado ng mga rifles agad ng mga itong sinunggaban si Ariesto, iginapos ang mga kamay at pinadapa sa lupa.
Habang ang tatlo pa nilang kasamahan ay tinutukan ng baril ng mga armadong rebelde.
Ilang saglit pa ay limang putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar na siyang tumapos ng buhay ng ginang.
Sa pahayag ng mister ng ginang sa mga otoridad, simula pa noong 2013 ay pabalik-balik na sa kanilang bahay ang mga armadong rebelde partikular na tuwing gabi na hinihimok ang kaniyang misis na maging community organizer pero nagmamatigas ang ginang.
- Latest