Magtiyahin niratrat ng tandem
MANILA, Philippines - Sugatan ang negosyanteng misis at pamangkin nito makaraang tambangan ng riding-in-tandem gunmen sa Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City PNP, kinilala ang mga biktima na sina Carmencita Roxas, 65, may-ari ng Bayad Center at Nesgielyn Guevarra, 35, teller sa Bayad Center na kapwa nakatira sa Ofelia Village sa Barangay Bahay Toro sa nasabing lungsod.
Si Roxas ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang dibdib habang si Guevarra naman ay nagtamo ng tama ng stray bullet sa may kaliwang paa.
Ayon kay PO2 Jaime de Jesus, naganap ang insidente sa kahabaan ng Road 1 malapit sa likurang bahagi ng mall sa North Edsa.
Lumilitaw na magkasama ang magtiyahin sa Mitsubishi Adventure (ZPA-110) patungo sa sangay ng bangko para magdeposito ng pera subalit hinarang sila ng tandem.
Gayon pa man, hindi pumayag na bumaba sa sasakyan si Roxas kaya pinutukan sila ng gunmen.
Naalarma naman ang gunmen dahil unti-unting lumalapit sa kanila ang taumbayan kaya napilitang tumakas kahit walang nakulimbat na malaking halaga.
Samantala, kahit sugatan ay nagawa pang makapagmaneho ni Roxas patungo sa parking ng mall saka nagtungo sa banko at idineposito ang malaking halaga, bago sila isinugod sa Philippine General Hospital.
- Latest