Kasambahay, Magdalo members consultants din ni Trillanes
MANILA, Philippines - Dapat anyang imbestigahan ng Senate ethics committee si Senador Antonio Trillanes IV dahil sa paggamit ng pondo ng bayan sa pagbabayad ng P1.63 milyon kada buwan sa kanyang houseboy, family drivers magdalo members maging mga donors na tumulong sa kanyang kampanya na ginawang mga consultants.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, spokesman for polical affairs ni Vice President Jejomar Binay na ang paggamit ng public funds para sa pansariling kapakanan ay maliwanag na unethical, immoral at pang-aabuso sa tungkulin dahil ang mga taxpayers ang siyang nagbabayad ng mga gastusin nito sa bahay at mga utang at lumabag si Trillanes sa COA Circular No. 85-55-A (Sept 8, 1985) section 3.2.
Nabatid pa na isa sa 63 consultants ni Trillanes ay napag-alamang houseboy nito na kinilalang si Eddie Ybanez, na sumasahod ng P3,500 kada buwan.
Nasa listahan din umano ni Trillanes bilang kanyang “consultants” ang kanilang mga family drivers na sina Bernard Allen Marzan at Jay-Ar Caro na binabayaran kada buwan ng P11,500 at P8,100 ayon sa pagkakasunod at 14 pa nitong “consultants,” ay pawang mga miyembro ng Magdalo.
Lumalabas sa dokumento ng Senado na kalahati sa monthly budget allocation na P2.93 milyon sa opisina ni Trillanes ay napupunta sa suweldo ng kanyang 63 consultants kabilang ang kanyang houseboy, family drivers, media workers, campaign donors, ex-mutineer-friends, at utol na sumasahod ng P71,200 kada buwan.
Kaya’t dapat na itigil na ni Senate President Franklin Drilon ang pagtatanggol kay Trillanes dahil batay sa Senate records na hindi lahat ng 63 consultants nito ay hindi kasali sa trabaho ni Trillanes bilang mambabatas na wala namang pakinabang ang tax payers.
Agad namang itinanggi ni Trillanes na kabilang sa kanyang mga consultants ang kanyang kasambahay na binabayaran ng pondo ng Senado.
- Latest